Walang Sínumán; Wala
Walang nakaaalam kung ano at sino tayo pagdating ng bukas,
maaring ngayon ay sagana tayo at ubod nang lakas,
malayang nakakikita ng ganda ng paligid,
naririnig ang huni ng mga ibo't kuliglig.
Subalit wala tayong kakayahang kontrolin ang tadhana,
hindi kayang baguhin ang kapalarang nakatakda,
kaya marapat na may alam tayo at handa,
upang pagdating ng panahon hindi malunod sa luha.
Ang aksidente ay hindi mapipigilan,
maging pagtanda'y hindi rin maiiwasan,
ang mga sakit at hindi maipaliwanag na karamdaman,
at isang tila sumpa sa araw ng kapanganakan.
Bulag, pipi't bingi
paralisado, pilay at kalagayang mental,
ilan sa mga kapansanang wala ni isa ang may gusto
subalit wala ring may alam kung kanino dadapo.
Alamin kung paano mapaglalabanan,
kung paano yakapin at tanggapin
kung dumating man sa ganitong kalagayan,
dahil lahat tayo ay hindi ligtas sa tinatawag na kapansanan.
...
Walang Sínumán; Wala - Young Pilipinas Poetry
Written by Ronjo Cayetano
A poem about NDPR Week
Comentários