top of page
Writer's pictureNerelyn Fabro

Unang Araw sa Trabaho


Unang Araw sa Trabaho, A flash fiction about a hard-working maid by Nerelyn Fabro

Masigla kang nagwawalis ngayon sa isang napakalaking bahay. Paano ba naman kasi‚ sa wakas‚ nagkaroon ka na rin ng trabaho at may tyansa ka nang makapag-ipon dito sa Maynila.


Hindi na kasi makapag-asikaso ang iyong amo sa paglilinis dahil sobrang abala rin siya sa pag-iintindi ng business. Kaya minabuti mong ipakita na masipag ka.


Nilinis mo maging ang kasuluk-sulukan ng bahay. Hinugasan mo ang mga pinagkainan. Nilabhan mo ang tambak na mga damit. Diniligan ang mga halaman at nagtapon ng mga basura.


At nang magpupunas ka na sana ng pawis mo‚ biglang may lumapit sa’yo na bata. Nasa walong taong gulang at may bitbit pa na bag. Siguro’y galing itong paaralan at katatapos lamang ng klase.


“Ikaw ba ang bago kong yaya?” Walang buhay niyang sambit sa’yo pero ngumiti ka pa rin at tumango.


Hindi ka nagdalawang isip na asikasuhin siya. Sinimulan mo siyang bihisan at aminado kang malikot ang bata. Paano ba naman kasi nang pinaghanda mo siya ng pagkain‚ tinapon niya lamang ito sa sahig. Nang tinimplahan mo ng gatas‚ hindi niya ito ininom.


At ang mas malala pa‚ binato ka niya ng remote at kinagat nang malakas sabay takbo sa isang kwarto.


“Bleh!” ang pagdila niya sa’yo at ni-lock niya pa ang pinto. 


5:00 ng hapon. Sakto namang dumating na rin ang iyong amo kaya nagkwento ka sa kaniya. Napansin mo kasing bumaon ang kagat ng bata sa’yo.


“Malikot po pala ang anak ninyo‚ madam no?” Ang iyong panimula.


 “Anong anak? Wala akong asawa’t anak.”

...

Unang Araw sa Trabaho by Nerelyn Fabro

Comments


Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page