Unahin ang Buhay

Maningning sa mata‚ puso’y namamanipula‚
masarap sa dibdib‚ ngiti ang dala.
Ngunit nakasusugat ang kinang na labis‚
may bubog sa pag-ibig na akala’y matamis.
Subukang tumalikod‚ tukso ay iwasan‚
sarhan muna ang puso‚ isip ang pakinggan.
Ang pag-ibig ay nagdadala ng pagkalito
kaya unahin ang pangarap, baka maging abo.
Luha at pasakit ang dulot ng pagmamahal‚
at kung magsumikap na lang sa buhay‚ pag-asa ang kakambal.
Puso ng tao ay hindi mo hawak-hawak‚
ngunit kung pangarap uunahin‚ bibigyan ka ng pakpak.
Saan magsasakripisyo? Alin ang bibigyan ng halaga?
Ang layunin sa buhay o halik na pansamantala?
Nasa sarili ang desisyon‚
at dapat timbangin ano ang mas bibigyan ng tuon.
Nakapaghihintay ang puso ngunit pagkakataon ay hindi‚
sikaping manalo upang hindi maging sawi.
Saka na lamang umibig kung tunay nang handa‚
‘pagkat kung buhay ay ‘di maayos‚ walang mapapala.
Comments