Tula Para sa The Best Kong Tatay (A Father’s Day Special Poem)
Sa makulay na mundo ipinagkait ang liwanag
ni hindi nasilayan ang wangis ng magulang
tanging haplos ng palad ang siyang kasangkapan,
upang maramdaman ang sa kaniya’y nagsilang.
Sa buhay ay nagpatuloy kahit na may hirap
hindi nagpatinag patuloy na nagsumikap
para sa pamilya kapansana’y niyakap
hindi nagreklamo, lumaban nang patas.
Para sa’yo aking ama pangako’y hindi magmamaliw
‘di ka pababayaan pananatilihin ang aliw
bilang bawi sa sakripisyo mong ginawa
sa haplos ng ‘yong kamay buhay nami’y guminhawa.
Ikaw ang nagbigay ng liwanag sa kabila ng ‘yong kadiliman,
Ilaw na aming tanglaw hanggang sa kasalukuyan,
kulang ang salitang salamat upang ika’y parangalan,
walang hanggang pagmamahal ang sukli namin sa’yong kadakilaan.
Comments