Tubig ng Kinabukasan
Ito ang lagusan ng pagod‚
ang pahinga ng uhaw na lalamunan‚
ang medisina ng nangangatog na paa‚
dahil ang bawat patak ng tubig ay may katumbas na halaga.
Ito ang ginto na hindi dapat sinasayang‚
tinitipid at hindi itinatapon‚
turuan ang puso na manghinayang‚
dahil ang tubig sa ibang lugar ay isa lang ambon.
Ang preskong likido na libre mong naaangkin‚
bigyan mo ng importansya at sa tama ay gamitin‚
ang gripo ’pag ’di ginagamit ay puwedeng pahintuin‚
nang kahit sa simpleng paraan ay makatutulong ka rin.
Ito’y nagbibigay ng buhay sa sanlibutan‚
ginagamit ng tao‚ iniinom ng hayop at maging kapaligiran‚
hindi ba’t tunay itong napakikinabangan?
kung ito’y mawawala‚ paano ang kinabukasan?
Sa ”World Water Day‚“ ay dapat maging aktibo‚
makilahok sa aktibidad‚ programa at serbisyo‚
ang tubig na malinis‚ panatilihin at ingatan mo‚
ika’y makiisa upang makatulong din sa kapwa tao.
Comentarios