top of page

The Undying Sacrifice

Writer's picture: Ronjo CayetanoRonjo Cayetano


Tunay ngang ang ama ang siyang haligi ng tahanan. Ang halos gumagawa ng lahat para mairaos ang pamilya. Madalas walang imik at strikto, hindi ka makaririnig ng kahit anong daing o makikitaan ng pagod at paghihirap.


Habang naglalakad ang vloger na si Mickey at gumagawa ng content para sa kaniyang panibagong video na ia-upload, sumagi sa kaniyang paningin ang mag-amang nasa gilid ng kalsada. Naantig ang kaniyang damdamin sa kanila kung kaya't itinigil muna niya ang kaniyang ginagawa at nilapitan ang mag-ama.


“Tatay, pasaan po kayo niyan? Mukhang malayo-layo ang inyong patutunguhan ah?” tanong ng binata sa mag-ama.


“Pupunta kaming PGH para maipagamot ang aking anak, utoy. Balita ko kasi, na mayroong magaling na espesyalista roon para sa kalagayan niya.” Mangilid-ngilid luha niyang tugon.


Bigla na lamang naghabulan ang mga luha ni Mickey nang marinig niya ang tugon ni tatay, na hawak-hawak ang kariton kung saan nakaratay ang paralisadong anak.


“Gusto n'yo po ba tatay ihatid ko na po kayo?”

“Ok lang hijo, salamat. Kaya ko pa naman. Konting oras na lang naman siguro at naroon na kami.”


Lalong naantig at humanga si Mickey sa tinuran ng matanda.


“Siya, saglit lang po tatay ha, hintayin n'yo po ako bago kayo umalis.”


Kaagad na nagtungo si Mickey sa malapit na tindahan upang ibili ng pagkain ang mag-ama. Ilang sandali pa'y bumalik na siya kung saan naroon ang mag-ama.


“Tay, heto po. Pagpasensiyahan n'yo na po ito ha. Sana po ay makarating kayo nang ligtas sa inyong pupuntahan. Hangad ko rin po ang kagalingan ng inyong anak.” Sabay abot sa plastic ng pagkain at inumin. Sinamahan niya na rin ng kaunting cash sakali mang kailanganin.


Taos-puso naman at paulit-ulit ang pasasalamat ng mag-ama kay Mickey.


“Paano utoy? Uuna na kami ha. Salamat talaga.”


Habang papalayo ang mag-ama ay hindi naiwasang muling pumatak ang mga luha ni Mickey, hindi dahil sa habag, kundi dahil sa paghanga sa pagmamahal ng isang ama.


“Ipinapangako ko tatay, pupuntahan ko kayo sa hospital na iyon. Tutulungan ko kayo sa abot nang aking makakaya. Hihingi ako ng tulong para matulungan ka rin na magkaroon ng panibagong paa.”

...


The Undying Sacrifice - Young Pilipinas Flash Fiction

Written by Ronjo Cayetano

A realism story about a loving father

Comments


Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
Young Filipino's best stories written through poetry, flash fictions, and listicles in Young Pilipinas
YoungPilipinas.com
bottom of page