top of page

The Promise, ang tula ng walang hanggang pag-ibig

Writer's picture: Ronjo CayetanoRonjo Cayetano

The Promise, ang tula ng walang hanggang pag-ibig by Ronjo Cayetano

Upos na ang sigarilyo niyang tangan-tangan,

pawang titis na lang na sa lupa'y naglalaglagan.

Hindi na magawang yupyupin sapagkat ang iniisip ay si paraluman,

kailan siya babalik sa dati ninyong tagpuan?


Sa tungga-tungga ni lolo'y tulala siyang nakatitig sa kisame,

habang pinakikinggan ang paboritong programa sa radyo—Dear T'ya Dely.

Liham para sa kaniyang giliw—“mahal kong Celya kailan ka babalik?

Uhaw na ang puso sa iyo'y nananabik.”


Tumutulo ang mga butil ng luha sa gilid ng kaniyang mga mata,

katal na ang labi dahil sa hindi mabigkas na alaala.

Marahil nakalimot na siya sa mga pangako niyang binitawan,

o baka dahil sa Alzheimer ni lolo na lubos siyang pinahihirapan.


Limang dekada na rin pala ang lumipas nang iniwan niya si lolong mag-isa,

Nagpaalam na babalikan ang kaniyang sinisinta.

Sa paglipad ng eroplano'y pagkaguho ng kahapon,

”wala na si Celya lolo, nasa langit na kapiling ng Panginoon.”


Huwag ka nang malungkot mahal kong lolo,

pangako sa isa't isa ay hindi maglalaho,

mananatili ang pag-ibig na sabay ninyong binuo,

doon sa kabilang buhay muli kayong magtatagpo.

Related Posts

See All

Comments


Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page