Talikdan ang Digmaan
Halimuyak ng kapayapaan, sinira ng hidwaan,
namukadkad ang galit, nagbunga ng laban.
Nangibabaw ang paghiganti at nagpapalakasan,
tila ba bawat bansa ay naglalaro sa tanghalan.
Bawat sulok ng paligid, naging amoy ng pulbura,
sa paggising ng diwa, isang bangungot ang umaga.
Malalanghap ang kinabukasang baka maging abo na,
dulot nitong nagsisiputukan na mga bomba.
Naging tahanan ng takot ang inosenteng mga mata,
kung hindi ka matapang, mahirap ang kumalma.
Kawawa ang mamamayan kung laban ang ibinabandera,
kung ’di ka tumakbo’y masasalo mo ang bala.
Marami ang nadamay, nagsibagsakan ang mga luha,
sa usok ng mga sandata, saan makakapa ang payapa?
Dumanak ang dugo, bangkay ay nabaon sa lupa,
dagdag pa ang tahanan na walang konsensyang sinira.
Talikdan ang hidwaan, limutin ang ganid,
suotin ang ngiti, gawing paraiso ang paligid.
Ibaba ang galit nang matigil ang ligalig,
hindi ba’t kaysarap mabuhay kung mundo’y puno ng pag-ibig?
Comentários