Tahanan
Mabigat ang bagaheng hila-hila nilang lumad sa porselanang tungtungan,
siphayo ang baong nakasilid sa dibdib ng lumuluha at nangungulilang uliran.
Ina at ama sa anak, nagdadalawang-isip man sa pag-iwan ngunit kailangang-kailangang lumisan,
'pagkat nangangambang ang pag-ihip ng hangin sa silangan ay maaaring maging huli nang pagtunog ng tiyang kumakalam.
Tinitiis ang hirap ng pagitan may maipadala man lamang sa nangangalaga sa tahanan,
minsan ay hindi na kumakain, may maidagdag man lamang sa pangmatrikula ng panganay sa eskwelahan.
Paulit-ulit na naglalaro ang mga alaala sa isipang nag-aalala,
ninanais na mayakap ang mga anak na para sa kinabukasan ay iniwan nila.
Ngunit papaano makakasama ng inahin ang kaniyang mumunting mga anak,
sa gitna ng milyang pagitan na kahit pilitin ay hindi niya malalakad nang nakapaa lamang;
na kahit pa kaniyang lipari'y mapipilitan pa rin siyang gumapang sa putikan,
at kahit na kaniyang languyin ay malulunod din lamang siya sa kasukdulan ng kalungkutan?
Hindi biro ang pag-iisip na nagagawa mong alagaan ang among ikaw ay binabayaran,
ngunit hindi mo man lamang mahagkan ang anak na sa iyo ay sumasamo na't nagdaramdam.
Oo! Oo, ang mawalay sa pamilya'y kapara ng isang malalang karamdaman,
ngunit ito ang sakrispisyong handang gawin ng mga bayaning nangingibang-bayan.
Kaya kung ikaw ay isa sa kanila, hiling ko sa Poong Maykapal na ikaw ay Kaniya pang bigyan
ng kalakasan, katatagan; at nawa'y sa paglipas ilang taon at buwan ay bigyan niya ng kalayaan.
Kalayaan mula sa pait, sa sakit, at sa pangungulilang iyong dinaramdam,
dahil kabalyero kang uliran na ang ipinaglalaban ay kahariang tinatawag mong tahanan.
...
Young Pilipinas Poetry
Comments