Tahan Na
Minsa'y lumalamig ang
gabi at para bang
sinasadya ng kalawakan
na palamigin din ang
iyong nararamdaman.
Minsa'y darating sa puntong
iiyak ang mga ulap
na magsasanhi ng walang
humpay na ulan
at para bang pinaglalaruan
ka lamang nito,
na para bang nais ka rin n'yang
paluhain at s'ya ay sabayan.
Minsa'y mag-iingay ang
mga kuliglig kahit
hating-gabi na at napakasama
nila sapagkat gigisingin
nila ang iyong nararamdaman—
paiingayin sa tunog ng pag-iyak
hanggang unti-unti kang
manghina at tuluyang
mawalan ng pag-asa.
Minsa'y ang mga bulaklak
ay sandaling lalago ngunit
kapag tumagal ay nalalanta
at ang mali sa kanya ay
hinakayat ka n'ya upang
tularan s'ya—
na malanta ka rin sa
oras ng iyong pagkalugmok
ngunit huwag kang mag-alala...
Ako ang magsisilbing
balabal mo sa oras na
ang nararamdaman mo
ay lumalamig sa gabi,
ang magsisilbing kape,
na humihiling na
sana ay mapainit kita
kahit saglit at matanggal
ang lungkot na
kumukulong sa iyong sarili.
Sakaling umiyak ang
ulap at nais n'yang sumabay ka,
tatakpan ko ang iyong
tainga upang hindi
lumabas ang luha sa
iyong mga mata
sapagkat ayokong
makitang nahihirapan
at nasasaktan ka.
Ako ang magsisilbing
panyo sa oras na
paingayin ng kuliglig
ang nararamdaman mo,
pupunasan ko ang
bawat butil ng luha,
patitigilin ka sa paghikbi
at yayakapin ka nang mahigpit
upang maramdaman mo
na narito pa ako,
na may tao pang hindi ka
iiwan.
At kung hinikayat ka
ng bulaklak na malanta,
huwag kang mag-alala
didiligan kita upang
muli kang sumigla,
kaya tahan na.
--Nerelyn Fabro
Nerelyn Fabro, 17 taong gulang. Nilalaro ko ang mga salita kapag pinaglalaruan ako ng mundo. Halimaw man ang delubyo, wala itong laban 'pagkat pluma ko'y hindi nagpapatalo!
Comments