Tabla-Tabla: Huli Pati Taya
Madalas tayong nawawala sa ritmo ng pagtakbo ng mundo, ng oras, ng buhay—
madalas tayong nadarapa at napapahalik sa lupa;
tumatakbo tayo kasabay ang tikatik ng orasan,
ngunit madalas tayo ay napapatid sa mga kamay nitong salawahan.
Nagkakamali, nakasasakit—nakapang-iiwan na tila ba nakalimot na sa lahat ng alaala;
at marahil madalas nga tayong nakalilimot.
Nakalilimot dahil sa sakit ng pagkadarapa,
nakalilimot dahil sa nasaid na ang saya sa relasyong dati'y ngiti ang dala.
Madalas pa sa madalas na para bang napakadaling ibigkas
ang mga salitang bubuo ng mga bakas ng mga luhang binigyang buhay ng isang pahimakas.
At madalas pa sa madalas ay napakadaling magalit, napakadaling isisi sa mga umalis ang ating pagtangis
dahil hindi na tayo makahinga, hindi na natin kayang tumayo at muling ihakbang ang ating mga paa.
Ngunit tama nga bang sisihin ang mga lumisan
dahil sa iniwan nila tayong nagkalasog-lasog at duguan?
Kaibigan, narito ang sagot sa katanungan.
Oo, masakit ang maiwan, mahapdi sa dibdib, masakit sa lalamunan.
At oo, napakadaling ibuntong sa kanila ang galit na namimilipit at umiipit
sa ating mga bagang sinasakal ng kanilang paglisan.
Ngunit, hindi nila kasalanang kailangan nilang mamaalam;
Hindi nila kasalanang hindi na nila kayang labanan
ang sarili nilang sakit,
ang sarili nilang pait,
ang sarili nilang hapdi.
Hindi nila kasalanang tao lamang din silang tumatakbo kasabay ang tikatik ng orasan,
hindi nila kasalanang tao lamang din silang napapatid sa mga kamay nitong salawahan.
Dahil sa huli, hindi nila kasalanang hindi sila de-baterya,
hindi nila kasalanang nasasaktan at nauubos din sila.
Hindi nila kasalanang kailangan din nilang magpahinga,
dahil katulad nating mga iniwan ay nasasaktan din ang mga nang-iwan.
Marahil ay hindi man sa parehong rason na gabi-gabi nating iniiyakan,
wala tayong karapatan na sila ay paratangang walang pakiramdam,
dahil totoo namang iba-iba tayo ng sakit na nararanasan
at iba-iba tayo ng pait na nalalasahan.
At sa larong ito ng habolan sa mundong puno ng gabaldeng pait at gabutil na saya,
Marahil ay tabla-tabla, huli pati silang mga taya.
...
Young Pilipinas Poetry
コメント