Sorpresa ng Hamon
'Di na inalagaan || nahulog na ang bunga;
tinanim na sarili || tuluyan nang nalanta.
Nalagas ang 'yong dahon || puno ng pagkapalya;
dati sa'yong humanga || ngayon ay nadismaya.
Madalas nang matalo || 'di na tulad ng dati,
pilit mong hinahanap || naligaw mong sarili.
Ikaw ri'y naguluhan || bakit 'to nangyayari,
ilaw kang nagniningning || ngunit ngayon ay pundi.
Nang ikaw ay natulog || bigla kang napabangon,
umiyak sa sorpresa || galing sa Panginoon,
at 'yong naintindihan || isa lamang 'tong hamon,
pinahina kahapon || lumakas naman ngayon!
Ang napurol mong isip || kutsilyo ng matalas,
pumalakpak ang tao || sa tinahak mong landas.
Mas naging matapang ka || sa panibagong bukas
tunay ngang sa pagsubok || mas lalong lumalakas!
-- by Nerelyn Fabro
Nerelyn Fabro, 17 taong gulang. Nilalaro ko ang mga salita kapag pinaglalaruan ako ng mundo. Halimaw man ang delubyo, wala itong laban 'pagkat pluma ko'y hindi nagpapatalo!
Comments