Sinong Makadaraig? Wala!
Ikaw ang rosas na patuloy sa pamumukadkad;
Ang samyo ng ‘yong pag-ibig— humahalimuyak‚ tumatambad.
Isang asukal mong ngiti—nakabibighani agad‚
Sa rikit mong bitbit, sinong makatutulad?
Ikaw ang medisina sa damdamin kong malungkot— nababagabag;
Ang init ng ‘yong yapos— sa pangamba'y kalasag;
Sa tamis ng ‘yong halik‚ ligtas ako‘t panatag‚
Isang haplos ng ‘yong palad‚ pagsinta‘y inilalatag.
Ikaw ang kape na imbes pampakaba ay lalo akong kumakalma;
Pagdidisiplina mo‘t gabay sa akin— animoy musika‚
Sa tinig mong paghehele imposibleng ako ay malungkot pa‚
Sino nga bang makapapantay sa'yo? Wala kang katulad ina.
Ikaw ang alitaptap— maliit man ang liwanag na hatid‚ sapat pa rin upang paliwanagin ang aking daigdig;
Sa kumpas ng ‘yong mata, tanggal iring pagliligalig‚
Ikaw ang langgam na walang sawang kumakahig;
Sa sipag mong taglay‚ sino nga ba ang makadaraig?
Ikaw ang s‘yang ginto na napalilibutan ng bato‚ sobra ang halaga mo‚
Ang pagbibigay mo ng kahulugan sa buhay ko‚ hindi matatalo ng diksyunaryo‚
Hindi matutumbasan ng kahit anong salita ang pagmamahal mo;
Wala kang katulad‚ walang makadaraig, kakaiba ka‚ ina ko.
-- a poem by Nerelyn Fabro
Nerelyn Fabro, 17 taong gulang. Nilalaro ko ang mga salita kapag pinaglalaruan ako ng mundo. Halimaw man ang delubyo, wala itong laban 'pagkat pluma ko'y hindi nagpapatalo!
Comentarios