top of page
Writer's pictureRonjo Cayetano

Sampung Rason Kung Bakit Ako Nakikinig ng Musika



Bakit nga ba tayo nakikinig ng musika? Ano nga ba ang parte nito sa buhay natin at kung paano ito nakaaapekto sa ating damdamin at pananaw sa buhay.


Lahat tayo ay may sari-sariling kuwento tungkol sa musika; kung bakit natin ito nagugustuhan at pinakikinggan.


Bilang isang indibidwal at mayroong pagmamahal sa musika, narito ang sampong rason kung bakit ako nakikinig nito.


Hilig

Lahat tayo ay may kinahihiligan, nagkataon lang na isa ang pakikinig ng musika sa mga kinahihiligan kong gawin. Nakatutulong din ito sa akin para makabuo ng mga bagong tula at kuwento bilang isang manunulat.


Pampalipas oras

Kapag mag-isa lang ako at halos wala akong maisip na gagawin, o kapag may hinihintay ako at nababagot. Musika ang isa sa pinaka ‘the best’ na kasama. Pakiramdam ko ay mabilis lang lumilipas ang oras kapag nakikinig ako nito.


Talento

Para sa akin, ang musika ay bahagi rin ng ating pagkatao. Madalas nagsisimula ito sa hilig hanggang sa maging ganap na natin itong talento. Kahit na palagi kong sinasabi na "mahal ko ang musika, pero hindi ako mahal ng musika", iniisip ko na lang na mahal ako ng musika dahil kabisado nito kung kailan ako malungkot at kung kailan naman masaya.


Pampakalma

Gusto kong nakikinig ng musika kapag masyado na akong nilalamon ng hindi maipaliwanag na nararamdaman. Selos, inggit, inis at galit. Isa itong mabisang pampahinahon sa napakaingay na mundo.


Lengguwahe ng pag-ibig at pagkabigo

Tulad ng kasabihang ‘when you are happy, you appreciate the music. When you are sad, you understand the lyrics,’ tinuturan ako nito kung paano magmahal at kung paano masaktan, sa pamamagitan ng bawat liriko at himig nito. Kapag gusto kong sumaya at makaramdam ng pag-ibig, ‘love songs’ ang pinapakinggan ko. Kapag malungkot naman at gusto kong magmuni-muni ‘sentimental music’ ang pinapakinggan ko.


Hanapin ang sarili

Madalas akong nakikinig ng musika kapag pakiramdam ko ay hindi ko na kilala ang sarili ko, kapag naliligaw na ang isip na tila humahanap ako ng mga sagot sa hindi matapos-tapos na mga tanong. Nakatutulong ang musika sa akin para makapag-isip ng matiwasay at maipanumbalik ang dating sigla sa pamamagitan ng mga positibo at ‘inspirational songs’.


Paghilom

Kapag mayroon akong pinagdadaanan at walang mapagsabihan ng bigat at sakit na nararamdaman. Kapag pakiramdam ko ay puno na ng sugat ang aking puso; sa pamamagitan ng mga positibong musika, natutulungan ako nitong pagaanin ang bigat na aking nararamdaman at napaghihilom ang mga sugat na dala ng mga tao, hindi magandang karanasan at pangyayari sa buhay ko.


Inspirasyon

Hindi lang basta ang musika ang dahilan kung bakit ko ito pinapakinggan. Madalas ay dahil na rin sa mga musiko at sa mensahe at nilalaman ng isang kanta. Kapag ang musiko at ang kaniyang musika ay naging isa at magkasamang tumatahak sa tagumpay, nagiging insipirasyon ko ito para ituloy rin ang aking hilig at hindi ito sukuan.


Katatagan

Kapag pakiramdam ko ay hinang-hina na ako at halos wala na akong kakampi. Musika ang isa sa mga sandalan ko para magpakatatag. Sa pamamagitan ng mga musikang nagpapatibay ng loob, tulad ng kantang ‘Pagsubok’ at ‘Natutulog Ba Ang Diyos?’ naibabalik ko ang kumpyansa ko at tiwala sa aking sarili. Nagbibigay ito ng karagdagang lakas sa aking puso at isip upang patuloy na umusad at magpatuloy sa buhay.


Mapalapit sa Diyos

Kapag pakiramdam ko ay kailangan ko ng kausap, kakampi, kalinga, pag-intindi at pagpapatawad ng Diyos. Bukod sa panalangin, nararamdaman kong malapit ako at mas napapalapit sa Diyos sa tuwing nakikinig ako ng mga ‘Worship Songs’. Nararamdaman ko ang prisensiya Niya at bawat pagpapala; kung gaano ako kapalad na may Diyos na hindi man nakikita, pero alam kong hindi ako iniiwan at palaging nakagabay sa akin.

0 comments

Comments


Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page