Sa Wakas
Sa wakas‚ nakapitan mo na ang matamis na ngiti
mula sa mapait na nakaraang sinubukan ka.
Hindi na natitinag ang ‘yong tindig sa kamandag
ng malalakas na alon at pangamba.
Sa wakas‚ naghilom na ang iyong mga sugat,
isang tanda na nakaya mong lagpasan ang lahat.
Hindi na naghihingalo ang iyong pag-asa,
‘pagkat sa tibay mo‚ binuhay mo ito‘t inalayan ng sigla.
Sa wakas‚ naging isa ka ng leon sa pag-abot ng ‘yong mithiin,
hindi ka na lalampa-lampa‚ hindi ka na nila puwedeng maliitin.
May ipagmamalaki ka na sa harap ng hindi nagtiwala sa iyo‚
ang tagumpay na iyong nakamit‚ bunga lang din ng pagsusumikap mo.
Sa wakas‚ nagwakas na rin ang ‘‘paghalik sa‘yo ng problema‚
‘di ka na muling luluha sa mga pag-aalala na baka matalo ka‚
‘pagkat ngayon, tanging ang makapagpapaluha sa iyo ay ang tagumpay at saya‚
napangingiti mo ako kaya sa puntong ito‚ binabati kita.
...
A Young Pilipinas Poetry
Comments