Sa Susunod na lang
Binuhat ko ang alkansiyang gawa sa kawayan na matagal ko nang itinatabi sa lumang kahon.
“Mabigat na rin pala.” ang bulong ko sa hangin.
Ngayon ay nagkaroon na ako ng lakas ng loob para buksan ito at tumambad sa akin ang tigpipisong barya na inipon ko para pambili ng tsinelas ni Toto‚ limang taong gulang kong kapatid. Matagal na kasi siyang nagpapabili dahil pudpod at sira na ang isinusuot niya.
Nilagay ko sa plastik ang mga barya at gumawa ito ng ingay na agad narinig ni Toto.
“Ate‚ ano ’yan?” biglang nabuhay ang kislap sa mata niya habang tumatalon sa saya. Marahil ay iniisip niyang may bibilhin ako.
“Dito ka na lamang at ’wag na sumama.” ang pangungumbinsi kong sabi sa kaniya ngunit hindi siya pumayag.
Kaya sa katirikan ng araw‚ tumungo kami sa palengke. Sa sobrang eksayted nga niya ay hindi na niya sinuot ang pudpod niyang tsinelas at mas pinili niya ngayon na nakayapak kahit mainit. Habang naglalakad ay nakangiti lamang si Toto. Saglit kong tinignan ang kaniyang mukha at napakasaya niya‚ ngunit hindi ako.
Nag-aalinlangan ako kung itutuloy ko ba gayong bakas na sa kaniyang mukha ang pananabik. Ngunit alam ko‚ ito ang tama. Nanginginig kong iniabot ang nakaplastik na barya sa manang na nagtitinda.
“Manang‚ pabili nga po ng isang kilong bigas.”
Patawad‚ Toto. Sa susunod na lang‚ pangako.
...
Sa Susunod na lang by Nerelyn Fabro
Comments