top of page
Writer's pictureNerelyn Fabro

Sa Pag-uwi


A poem about OFW's sacrifices
A poem about OFW's sacrifices

Luma na ang damit ni ate, walang sapatos si kuya,

walang laruan si bunso, may sakit pa ang lola.

Sa trabaho ng itay, hindi sapat ang pera,

kaya't nagsimulang magdesisyon ang butihing ina.


Kwarenta man ang edad, loob ay nilakasan,

mabigat man sa dibdib at may pag-aalinlangan,

inihanda ang maleta't sa pamilya'y nagpaalam,

titiisin ang pangungulilang nabuo sa pakiramdam.


Lumipad na ang eroplano, huling sulyap ay itinapon ng mata,

lumayo sa pamilya upang lumapit sa pag-asa,

bitbit ang lumbay at lungkot na pandama,

kapakanan ang iniisip at kinabukasang maganda.


Iba na ang bahay na papasukin, iba na ang kapaligiran,

nakapaninibago ngunit kailangang pagtiyagaan.

Iba na ang pamilyang makikita, iba sa nakasanayan,

malayo sa dati ang tahanang pinaglilingkuran.


Palihim na sumulyap sa litrato ng pamilya,

napangiti saglit at natanggal ang lungkot niya.

Binigyan siya ng lakas upang magpatuloy sa laban,

kung para rin sa kanila'y sulit ang pinaghihirapan.


Langgam kung kumayod, walang tatalo sa kasipagan,

kahit pa minsan ang sarili ay 'di na maalagaan.

Hindi man edukado't kaunti ang pinag-aralan,

kung pagpupursige ang usapan, walang makalalaban.


OFW na tinatawag, bayani rin sila,

minsan ma'y minamaltrato, natitiis nila.

Sila ang taga-ahon, bayani ng pamilya,

ngunit mayroon ding hiling at tinatagong mga "sana."


Sana'y igalang sila't 'wag pagmamalupitan,

pakainin ng tama't pangalagaan ang kalusugan.

Hayaang maglibang at pamilya'y kausapin,

'pagkat tao silang nalulungkot din.


Sana'y mapunta sa maayos ang sweldong pinaghirapan,

para sa iniwang pamilya, kumustahin din sila minsan,

gaano man kalayo ang distansya'y 'wag silang kalilimutan,

dahil mahirap ang mapalayo, ngunit 'yon ang kailangan.


Sana rin 'di na mataas ang kwalipikasyon sa'ting bansa,

para ang hindi nakapagkolehiyo, makaramdam ng ginhawa.

Sana rin sa Pilipinas, madali ng makahanap ng trabaho,

upang ang Pilipino'y 'di na sa iba magtrabaho.


Sa pag-uwi sa sinilangan, may damit na sana si ate at sapatos si kuya,

may laruan na si bunso at magaling na si lola.

Sana sa pag-uwi, ngiti ang bitbit — dahil magkakasama na,

at hindi ang kahon na naglalaman ng bangkay niya.



...

Young Pilipinas Poetry

1 comment

Related Posts

See All

1 Comment


Unknown member
Nov 30, 2021

💛💛💛

Like

Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page