Sa Mata ng Lumang Dekada
Hayaan nating dumaan ang oras at lumipas ang mga panahon sa lilim nitong ating paraiso,
sa ilalim nitong init ng silakbong dala ng pag-ibig para sa isa't isa sana ay mamalagi tayo;
ipangakong sa bawat salitang bibitawan ay 'di lalamlam ang kulay nitong ating pasko,
maubos man ang keso de bola at matastas man ang mga daliri dahil sa Goodbye Philippines at Piccolo.
Itatak natin sa teatro ang mga pagtatanghal na balangkas nitong mga namamasko,
hanggang sa bawat pag-inog at paggalaw ng entablado'y pag-ibig pa rin ang mamamayani sa ating mga puso;
malagas man ang sumusuko nang mga upuan at magabok man ang lamesang lagayan ng handa,
mapanis man ang spaghetti at masira ang mga prutas na sinabi ni nanay na pangNoche Buena.
Itaga natin sa bato itong ating dasal na sana sa muling pagkabuhay ay naroon pa rin
ang ligaya at pananabik na nararamdaman natin sa tuwing maririnig na ang mga nangangaroling,
nagbabadyang parating na rin ang tuwang matagal na rin nating hinihiling,
hindi lamang ang makakuha ng pamasko kung hindi pati na rin ang pamilya'y makapiling.
Sumilay man ang mga uban sa ating mga korona sa susunod na mga taon at dantayan man tayo ng biglaang pagbabago,
sana ay 'di magbago at mapanas ang mga ngiting ating ipinangregalo ngayong pasko.
Maging marahas man ang pag-ikot ng mga kamay nitong ating relo at maubusan man tayo ng mga segundo,
sana ay malumanay na mga kantang pampasko pa rin ang maririnig ng nabibingi nang mga tainga ko.
Sa huli, sana ay araw-araw na makita itong paskong puno ng pagmamahalan,
na kahit nag-aagawan ng pagkain sa hapagkainan ay magkasama namang naghahalakhakan.
Sana sa bawat araw na lulubog at sa bawat araw na sisikat at masisipat,
palaging maramdaman nitong nanginginig at kulubot nang katawan ang init na dala ng paskong tumanda na sa alamat.
...
Young Pilipinas Poetry
تعليقات