Sa Iyong Uniberso

Hindi na tulad nang dati ang 'yong mga ngiti,
wala na ang ningning ng mga matang nagbubura ng hapdi,
maging ang yakap na noo'y nagpapagaan ng damdamin,
ngayo'y napapasan ko na ang bigat na pilit mong inililihim.
Hindi ko na ramdam ang kaligtasan sa tuwing nahihimbing sa'yong bisig,
tila baga mas lalo akong dinadala sa hindi maipaliwanag na ligalig,
maging ang 'yong labi na dati-rati'y nalalasahan ko pa ang tamis,
ngayon wari bagang wala ng papantay sa taglay nitong pait.
At kapag ako ay nasa'yong daigdig,
hindi ko na mahanap ang lugar ko sa'yong piling,
naliligaw ka sa sariling espasyo waring may ibang hinahanap,
hindi mo man aminin alam kong may iba ka nang pinapangarap.
Masakit mang maglaho ang pangako ng walang hanggang pag-ibig,
malaya kang pumili sa tunay na sinisigaw ng 'yong dibdib,
mananatili ang pagmamahal ko at suporta,
kahit masaya ka na sa mundong hindi ako ang kasama.
Comments