Sa Huli'y Malalasap
Ang bawat haplos nila'y nakakadarang. Walang araw na hindi nila ako didiligan. Para akong nasa alapaap sa tuwing ibibigay nila ang aking pangangailangan kaya hindi ko magawang hindian kapag sila naman ang may kailangan.
Hanggang sa lumaki ako, naging marahas ang kanilang haplos. Pagdilig nila'y naging agresibo. Tila nalulunod na ako sa bawat pagpapaligaya. Hanggang sa inaayawan na ng katawan ko ang paulit-ulit na pagkakaroon ng bunga.
Napagtanto kong tila isa nalang akong hubad na babae. Kapag inihain sa harap ng mga mapagsamantala't makasariling nilalang ay 'di magawang makalaban. Mga supling ko'y kanilang pinipitas para ipagpalit sa pera't makinabang.
Ngayong walang palya akong sinasaktan nitong mga gumamit sa akin, oras na para sila'y matauhan.
Sa huling pagtaga nila sa aking katawan ay siyang madagundong kong pagbagsak sa kanilang mga buhay. At namutawi ang mga kaluluwang umiiyak, nagsasalaysay ng kanilang pagsisi na naging huli na.
Comments