Sa Aming Barong-barong
Tuwing ganitong maulan ang panahon, naalala ko kung gaano naging masaya ang aking pagkabata. Malaya akong nakapaglalaro sa gitna ng ulan kasama ang aking mga kapatid. Hinahayaan lamang kami nina nanay at tatay na damhin ang ulan. Habang nakabuka ang aming mga kamay at sinasambot ang patak ng tubig mula sa kalangitan ay makikita kung gaano katamis ang ngiti nila habang pinanunuod kami.
Palagi rin nilang sinasabi, na ang ulan ay isang biyaya na dapat ipagpasalamat. Isang basbas mula sa Itaas na nagpapahiwatig ng pag-asa. Na sa bawat pagbuhos ng ulan, ay palaging may magandang bukas na naghihintay.
Subalit, sa isang idlap biglang nagbago ang tingin ko sa ulan at sa aking sarili. Sa halip na biyaya, ay isang sumpang panghabang buhay kong dadalhin.
Dahil sa pagpupumilit ko at kagustuhan kong lumabas at maglaro sa gitna ng malakas na buhos ng ulan, naiwan ko ang aking pamilya sa aming barong-barong kung saan sila nilamon ng lupa mula sa kabundukan.
Comentários