Puting Van
"Tsaw!" wika ni Mang Kanor na hawak-hawak ang pitong natitirang baraha sa kaniyang kanang kamay. Habang ang iba ay may kanya-kanyang umpukan na pawang nagsusugal din sa isang lamayan sa aming baryo.
"Nabalitaan n'yo na rin ba ang balita dito sa ating baryo? Mayroong gumagalang puting van na nangunguha ng bata," bulong ni Mang Kanor habang tuloy sa paghigop ng kape.
"Pare saan kaya dinadala ng mga kidnapper ang mga batang kanilang nakukuha?" nagtatakang tanong ng isa sa mga miron na panay ang ngasab ng biskwit.
Kinuha ni Mang Kanor ang barahang itinapon ng kalaban at tsaka ibinaba ang lahat ng baraha nito senyales na tong-its na ito.
"Ayon sa sabi-sabi ay kinikuha raw ang laman loob ng mga bata at pagkatapos ay pinapalitan ng pera at alahas ang laman ng tiyan; pagkatapos ay ibinabalik sa lugar kung saan nila ito kinuha," sagot ni Mang Kanor habang binabalasa ang baraha.
"Siya nga pare?" nabiglang tanong ng kalaban ni Mang Kanor na tila dayo lamang sa baryo.
Pagkatapos balasahin ni Mang Kanor ang baraha ay isa-isa niya itong ipinamigay sa dal'wa niyang kalaban.
"Oo pare at may mga nagsasabi rin na ang mga bata ay ginagawang alay—pampatibay sa mga malalaking tulay na intinatayo sa malalayong lugar. Isinasama raw sa buhos ng buhangin at simento bilang pinaka pundasyon ng tulay," pagsang-ayon ng isa sa mga miron na titig na titig sa hawak na baraha ni Mang Kanor.
Biglang natahimik ang lahat nang mapansin nila na nakitingin sa kanila si Aling Celya na tila nakakunot ang noo at nakahawak sa baywang na may dala-dalang tasa ng sopas para ipamahagi sa mga nakikilamay sa kanila.
"Ano nga kaya talaga ang nangyari sa anak ni Aling Celya? Na tatlong araw nawala at pinaghahanap; pagkatapos ay natagpuan sa isang pasilyo na wakwak ang tiyan," pagtataka ni Mang Kanor.
Hindi naman ganoon kaapektado si aling Celya at maaliwalas naman ang mukha; na daig pa ang tumama sa loto," pahabol nito.
Comments