Pinipintig na Pakay
Pinitas ko ang mahiwagang salita sa makulay na hardin;
sinimulan kong pasayawin ang pluma sa tugtog ng damdamin.
Hinuli ko ang lumilipad na tugma gamit ang sabik na kamay;
ang patay na paksa sa libingan ay binigyan ko muli ng buhay.
Dinama ko ang pintig ng puso kong pinasukan ng kaba.
Tumayo ako sa entablado kasama ang tulang inihulma;
naluha ako nang maalalang ito ang pangarap ng nahimlay kong ina,
kaya ang pinipintig kong pakay ay manalo at maiuwi ang medalya para sa kaniya.
Comments