Pinili
Tanghaling-tapat ngunit tambay na naman kayo sa basketball court. Wala ka naman kasing ibang mapaglilibangan bukod sa maghanap ng chix sa online. Ngunit bigla kang naging masigla nang...
"Hala! Good news na good news! Hanep!" Palukso-lukso mong saad, may nakita ka kasi na nakapukaw sa 'yong mata. Ikinagulat naman ito ng katabi mo.
"P're! Tignan mo, 'yung sigarilyo, sale na sale, bagsak presyo kay Aling Nena." saad mo sabay lahad ng selpon sa kaibigan mong si Renato.
"Sino namang mangangahas na magbenta ng sigarilyo online? Ha? 10 pesos na lang ang isang kaha. Naku scam lang 'yan. Baka expired na." pagkontra niya sa 'yo kaya natahimik ka saglit.
"E, ano naman sa 'yo, bibilhin ko pa rin 'to, tignan mo paubos na 'tong akin." habang binubuga mo ang hawak mong sigarilyo.
Pinulot ni Renato ang kahon ng sigarilyo na itinapon mo kani-kanina lang sa lapag.
"Nakikita mo 'tong nasa larawan? Tignan mo naputulan ng paa at halos hindi na makapagsalita. Ang malala pa niyan ay kamata—"
"Hep, hep, hep! Huwag mo ng itutuloy." binitawan mo ang sigarilyo at umalis sa harapan ni Renato.
Nang mga oras na iyon ay may napagtanto ka. Masama naman talaga sa kalusugan ang sigarilyo kaya simula noon, tinigil-tigilan mo na—
ang pakikinig kay Renato at maghahanap ka na lang ng bagong kaibigan.
...
Young Pilipinas Flash Fictions
💛💛💛