Pinagkait na Kasiyahan
Pinagdamot ko sa'yo ang payong
nang umulan ako ng pagsinta.
Binuhos ko sa'yo lahat
at hinayaan kong malunod ka.
Ikaw ang munti kong anghel,
'di ko hahayaang may d'yablong lumapit,
lalong-lalo na ang masamang hangin na nagdadala ng sakit.
Mga bisig ko'y ginawa mong tahanan,
ang tawa mong nakakikiliti ay paborito kong pakinggan.
Ngunit sinisi ko aking sarili nang ika'y nilagnat,
dinala sa ospital kahit pera'y 'di sapat.
Ang mapula mong labi ay biglang namutla,
kasabay nito ay ang pag-ulan ng luha.
Ang mapungay mong mata ay biglang pumikit,
pinaghinalaang COVID ang simpleng sakit.
Pinagdamot ko sa'yo ang payong
nang umulan ako ng pagsinta,
ganoon kita kamahal noong ika'y buhay pa.
Ngayo'y 'di na kita mayayakap, naging abo ka na,
tatlong taon na rin naman na ang nakalipas ngunit bakit ang sakit-sakit pa?
--a flash fiction by Nerelyn Fabro
Nerelyn Fabro, 17 taong gulang. Nilalaro ko ang mga salita kapag pinaglalaruan ako ng mundo. Halimaw man ang delubyo, wala itong laban 'pagkat pluma ko'y hindi nagpapatalo!
コメント