Peysmask
Kumukunot na ang noo sa walang hintong pagkayod,
nanunuyo na ang lalamunan at nanginginig ang tuhod,
tumatagaktak ang pawis at hinahaplos ng pagod,
ngunit agad na napawi nang maibigay na ang sahod.
Limang daan ay kulong sa mahigpit n'yang paghawak.
Nang maalala ang pamilya, ngiti agad na lumawak;
bumili ng masarap na pagkain, ang una niyang binalak.
Pag-uwi sa tahanan, sabik ng makaapak.
Binagtas n'ya ang lubak na daan,
kahit pa humahalik ang init sa katawan,
ngunit may pulis na agad siyang sinita,
tinapik kaniyang balikat kaya agad s'yang nagtaka.
"Wala kang facemask," ang sabi pa nila.
"Ang bayad lamang ay limang daan o makukulong ka."
Inabot n'ya ang sinahod at tila maluluha,
kahit pa ang mismong nanghuli, facemask naman nakababa.
Comentarios