Pasko ng Pinoy
Sa pagsapit pa lang ng buwan ng Setyembre,
tugtuging pampasko'y bumubungad—humihele,
christmas treeng gawang kamay sinasabitan ng kolorete,
palamuti ay laruan, palara saka balat ng kendi.
Excited ang lahat kumpletuhin ang simbang gabi,
barkada, pamilya at kasintahan ang siyang katabi,
at pagkatapos ng misa, lalabas at magtitipon sa tabi,
bibingka't puto bungbong nilalantakan parati.
Ingay sa lansangan mula sa nagdadaang sasakyan,
kaliwa't kanan ang biyahe—kaanak ay nagsisiuwian,
pasalubong ay regalo at 'di matapos na kuwentuhan,
aguinaldo sa inaanak 'di rin kalilimutan.
Tinig ng mga umaawit sa labas ng tahanan,
kasabay ng tambol na lata at kalembang ng tanzan,
kay saya ng gabi puno ng kagalakan,
pagmamahalan at pagbibigayan tunay na diwa ng kapaskuhan.
Commentaires