Pangarap ng Nangangarap
Nagsimulang maging mapanglaw ang gabi,
nakadungaw lamang ako sa durungawan,
nagsimulang kumanta ang mga kulisap,
habang ako'y palihim na nangangarap at humihiling sa buwan.
Sa tulad kong musmos, limitado lamang ang kakayahan,
dumudulas ang panulat sa kamay, gustuhin ko mang hawakan,
mailap din ang mga mata sa pagbabasa,
palibhasa'y hindi nakatungtong sa paaralan.
Nangangarap ng gising, pinalalawak imahinasyon,
aminadong mahirap, pinunit limitadong limitasyon,
sino'ng makapipigil sa hiling kong makukulay?
Umaasang bukas ay matupad at mabigyan ito ng buhay.
Isang mansyon? Isang kotse? Mga pagkain?
Kahit alin man diyan ay nais kong piliin,
sino nga bang mahirap ang mangangarap na maging mas lalo pang maging dukha?
sa gula-gulanit na bahay at kagutuma'y nais ko ng makawala.
Commentaires