Pahingahan
Sa oras na kailangan mo ng karamay,
narito ako mahal handang handa sa'yong dumamay.
At kung malugmok ka sa pagsubok at hindi na makaahon,
hawakan mo lang ang aking kamay, hinding hindi kita bibitawan—sabay tayong babangon.
Pangako kong ako ang magsisilbi mong lakas kapag dinadalaw ka ng kahinaan,
ako ang magsisilbi mong kanlungan ulanin man ng kalungkutan.
At ako ang 'yong magiging pahingahan,
sa mundong nakakapagod ang magpatuloy at lumaban.
Kung may magawa man ako na ikadaramdam mo,
ngayon pa lang patawad na—sana palagi mong ipaalala na ikaw lang ang mahal ko.
Tatanggapin ko ang suntok, sipa at sampal kung ito lang ang paraan para magbalik ako sa wisyo.
Sisikapin kong maging mabuting asawa,
sa pag-aalaga't pag-alalay sa'yo'y 'di ako magsasawa.
Huwarang ama sa'ting mga magiging anak,
kaibigan na lagi ninyong kasama sa lungkot man at paghalakhak.
Comments