Pagyakap sa Kultura
Ibinubuka ang bisig at mainit na niyayakap‚
mga kultura ng dayuhan ay kusang tinatanggap‚
sa pakikihalubilo’y nagkaroon ng impluwensiya‚
lalo na ang Tsino sa sarili nating kultura.
Nakabubusog‚ sagana at malasang pagkain‚
nilasap ng pinoy dahil masarap kung ihain‚
mapapapikit kung matitikman ang lomi at lugaw‚
samahan pa ng siomai at malambot na siopao.
Paggamit ng tsinelas ay nakuha rin sa mga Tsino‚
mga porselana‚ pinggan at mga platito‚
nauso rin ang kamisa o kasuotang mahaba‚
pananggalang sa init sa bukid o pangingisda.
Paggalang sa nakatatanda’y atin ding namana‚
may salitang ginagamit kung parte ng pamilya‚
katulad ng pagtawag ng ”ate“ at sa lalaki ay “kuya‚”
“bunso‚” sa pinakabatang anak ni mama at papa.
Tunay na ang Pilipino’y mainit kung yumakap‚
maging ang kultura ng iba’y minamahal ng ganap‚
pinagyayaman‚ pinagyayabong at ipinamamana‚
ngunit hindi pa rin kinalilimutan ang sariling kultura.
...
Comments