Pagsintang Maputla
May paruparo ba sa tiyan ko? Bakit nagsisiliparan?
paanong sa isang pagtitig, naakit sa’yong karikitan
‘Di ikaw ang binibining ang kilay ay kinortehan,
hindi mataray tumingin at mayuming pagmasdan.
‘Di pango ang iyong ilong bagkus matangos na nakabibihag,
kahit saang anggulo, paanong ang panga ay ‘di malalaglag?
Walang eyeliner sa ‘yong mata, likas na mapupungay,
kahit nakapikit, sa mundo ko’y nagbigay bigla ng kulay.
Balingkinitan ang 'yong katawan, kulay mo ay morena,
sa pagtitig sa'yo nang buo, may natatanging presensya.
‘Di ikaw ang binibining nagkokolorete sa mukha
ngunit hayaan mong ngayon, ako ang gumawa,
Alam kong mali ang mahulog ngunit tinamaan na ako,
bakit ngayon ka lang nakilala at dito pa sa trabaho ko.
‘Di ikaw ang binibining ang labi ay mapula,
ngunit hayaan mo sana, dito sa morge ay mahalikan kita.
...
Young Pilipinas Poetry
Comentarios