top of page
Writer's pictureLyka Calunod

Oleograpo ng Pagsamo


Sestets for the hands caked with dirt
Sestets for the hands caked with dirt

Hubad na ang kanilang mga palad na lango sa samyo ng palay,

at lasing na ang mga damdaming nalunod sa serbesang lunggati ng pagkabuhay.

Hapo na ang katawang ang araw-araw na iniluluwal ay ang pawis na tila ulan;

dahan-dahang dumarausdos sa kayumangging balat na balat ng kahirapan,

pumapatak ang bawat butil sa eskinita ng palayang ang lupa na ay natitigang,

kumikinang ang pawis na iniibsan ang init ng animo'y impyernong kinalalagyan.


Sa kanila ay paraiso na ang sentimo kada sako sa kumakalam na bulsa,

kahit pa kalamnan at kasukasuan naman talaga nila ay umaalma.

Kapansin-pansin man ang luha sa mga matang pinagkaitan ng 'di nakapapasong liwanag,

papahiran na lamang ang mga ito ng puting kamisang naging kakulay na rin ng lupang inaamag;

pipiliting tumayo sa gitna ng kalbaryo at mananatiling matatag,

kahit pa lubog na nga sa putik, lubog pa sa utang dahil sa presyong hungkag.


Maayos silang nagtiis, maayos na nagsumikap, pati dinildil na lupa ay kanila pang pinapatag,

kaya bakit ni simpleng sapat na kwaltang panustos sa araw-araw ay 'di pa maapuhap?

Sangkapat ng sako ang pagod at isang kilo ang itinayang pait at paghihirap,

kaya bakit ni isang gramo man lamang ng sukli ay ipinagkakait pa sa kanilang mga palad?

Ito ang mga katanungan sa oleograpiyang nasipat sa naging pipi nang bayan sa silangan,

sinilangang ang nasa kanlungan at inihihele ay mga sanggol ng kanluran.


Sana magbago pa ang panahon at maibalik sa puti ang putik sa lona,

at mabura nawa ang masalimuot na pintura sa kanilang kasalukuyang oleograpiya.

Alalahanin sana ng isipan na ang kanilang punla ay araw-araw na inihahain sa ating hapagkainan,

kaya sana man lamang ang sukli rin sa kanilang handog ay sobra pa sa laman-tiyan.

Sa huli sana ay isapuso ang bawat patak ng pawis na sa palay ay idinidilig nila at maging makatao;

nawa'y sa kalipunan ng mga letra dito ay marinig na ng lipunan ang kanilang pagsamo.



...

Young Pilipinas Poetry

0 comments

コメント


Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page