NaTay (Nanay/Tatay)
Sa gitna ng maingay at magulong daigdaig na'ting tinatahanan,
May isang ibong ninanais kumawala sa kutya ng kamunduhan,
Tinatahak ang madilim at makipot na tarundon ng kapalaran,
Nangangarap makalipad ng mataas doon sa kalawakan.
Subalit pinukol, hinablot— hinalay ng mga hayok sa laman,
Pinaso, binugbog— pinagpasa-pasahan pasa-pasang katawan,
Matapos parausan— iniwan sa damuhan ligo sa dugong walang saplot na pangangatawan,
Bumangong pilit— pinipilit imulat mga matang luhaan.
Punlang itinanim sa kanyang pagkababae ngayo'y nagbunga,
Sa halip isumpa ang batang walang ama sa sinapupuna'y— minahal, inaalagaa't inaruga,
Buhay na nagpakabuhay bitbit ang anak sa panibagong simula,
Ngayo'y isa ng pulis na tagapagtanggol— tagasagip ng mga batang pinagsamantalaha't inulila.
Comments