Natagpuan ko na
Nakatagpo ako ng bahaghari sa masukal na kadiliman,
nakarating sa destinasyon kahit pasikot-sikot ang dinaanan.
Nawala ang pagkabagot at uhaw ng lalamunan‚
at ang lungkot ay napawi mula nang ika’y masaksihan.
Nakatagpo ako ng susi sa posas ng kalawakan‚
natanggal ang tinik na bumaon sa katauhan.
Sa kabila ng pagkahapo‚ nagkaroon ng sandalan‚
at lahat ng ito’y walang dudang ikaw ang dahilan.
Nakatagpo ako ng panyo sa likod ng gabi-gabing pagluha‚
parang biktimang nakaligtas matapos ang sakuna.
Sa dami ng kamalasan‚ ang ngiti ko’y naging mahiwaga‚
at nagsimula ang lahat nang mata nati’y magtama.
Nakatagpo ako ng paghilom mula sa nakaraan na akala ko’y wala ng medisina‚
sa kabila ng panghihina‚ ikaw ang naging bitamina.
Ang halik ng mga hapdi ay agarang nalanta‚
nang ika’y makilala‚ may sumibol na pagsinta.
Hindi ako naniniwala sa mga pantasya‚
kung paanong ang dalawang estranghero’y magkakakilala‚
ngunit ngayon‚ gusto ko ikaw ang prinsipe at ako ang prinsesa‚
parang nagkaroon ng mahika nang matagpuan kita.
Comments