top of page
  • Writer's pictureNerelyn Fabro

Nagbago dahil sa Bago


A cold love poem
A cold love poem

Dama ko ang pagsilab ng pag-ibig

nating tila walang katapusan,

ako'y napapanatag sa 'yong tabi sa yakap mong laan.


'Di ko na kailangan ng kumot sa t'wing ang panahon ay maginaw,

'pagkat ang tanging medisina ko ay walang iba kundi ikaw.


Ramdam ko ang apoy sa 'yong mata na sa akin ay may pagtingin,

ilang taon na ba tayong nagsasama mula nang ika'y aking hilingin?


Sa t'wing umuuwi ako sa tahanan at may pagod na bitbit,

nakapapaso ang init ng 'yong labi na sa aki'y humahalik.


Kupas man ang saya sa mga mata kong nasasaktan,

pinasan mo ang bigat ng aking nararamdaman.


Sa 'yong ngiti ay napahihinto ang aking mundo,

nagagawa nitong maayos ang isipan kong magulo.


Hindi kita makitaan ng pagkabagot sa relasyon nating dalawa,

'pagkat lagi mong ipinapakita sa akin na masaya ka.


Ngunit katulad ng klima ay 'di ko akalaing magbabago ka rin pala,

malayo pa naman ang pasko ngunit bakit ang lamig mo na?


Hindi ba dapat magkasama pa tayo hanggang paskong malamig?

Ngunit bakit dinamay mo ang damdamin mo't pag-ibig?


Nawalan na ng silab ang pagsinta mo't nagkaroon na ng katapusan,

ni hindi na totoo ang yakap mo na sa akin ay laan.


Ngayo'y nangangailangan na ako ng kumot sa 'yong 'pinapadama,

kung dati'y ikaw ang medisina, ngayo'y ikaw na ang dahilan ng sakit, sinta.


Nawala na ang apoy sa 'yong mata at sa iba ka na may pagtingin,

ang ilang taon nating pagsasama, nais mo ng tapusin.


'Di ko akalaing darating sa punto na ikaw naman ang inuuwian kong tahanan,

ngunit imbes na makapagpahinga, pagod na ang aking nararamdaman.


Muling kumupas ang saya sa aking mga mata,

ikaw na rin ang nagbibigay ng bigat sa aking nadarama.


Sa t'wing tinitignan ko ang 'yong ngiti, nagpapaguho na ito ng mundo ko,

'pagkat ibang tao na ang rason, ang pagmamahal mo'y naging abo.


Ramdam ko na ang pagkabagot mo sa relasyon nating dalawa,

dahil nalaman kong kahit minsan ay hindi ako naging dahilan ng 'yong saya.


Isa ka bang mananakbo?

Bakit mas nauna ka pang lumamig kahit malayo pa ang pasko?


...

Young Pilipinas Poetry

1 comment

1 Comment


Unknown member
Oct 07, 2021

💛💛💛

Like

Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page