Musika sa Gitna ng Pag-iisa
Ulan na siyang tagapagpaalala ng sayang pinagsamahan,
ulan ding nagpaparamdam na may kakamping aakap sa gitna ng kalungkutan.
Tunog ng tubig na siyang pampanumbalik sa naguguluhan kong isipan,
basbas mula sa Itaas upang mapawi ang bigat na dinaramdam.
Ulan na pinakamabisang paraan upang ikubli ang sakit,
mula sa mga taong wala nang ibang ginawa kun'di magbigay ng pait.
Sa pusong tanging hangad lamang ay ang pagtanggap na hindi pinipilit,
subalit pagtakwil ang paulit-ulit na ipinasasapit.
Ulan na nag-iisa kong kakampi na siyang pumapawi,
ng luhang umaagos sa mukha tuwing sa kaniya'y sumasayì.
Ulan at luha na siyang panglanggas sa pangmatagalang sugat,
hindi ang bisyo—sugal, sigarilyo at alak.
Dinadama ang halumigmig na dulot ng ampiyas,
pagdidilig sa nalalanta kong pag-asa na namamalagi sa' king dibdib na siyang ginintuang hiyas.
Ulan na siya kong napiling kalaro sa gitna ng pag-iisa at pagdurusa,
sinasayawan sa damuha't humihiling sa awitin ng panibagong pag-asa.
Sa gabi'y musikang humihele sa hindi makatulog-tulog kong diwa,
ulan na siyang pampakalma sa tuwing pulso'y nangangamba sa paghiwa.
Habang kayakap ang sarili sa gitna ng katahimikan at maginaw sandali,
lagunos niya'y bulong na pagkatapos ng unos ay mayroong bahaghari.
Comments