Mga Epektibong Panakot sa Bata upang Sumunod sa Utos
Aminado akong matigas ang aking ulo at napakakulit din noong bata pa katulad mo. Wala namang tao ang hindi dumaan sa pagkabata. Naalala ko pa nga, may ilang epektibong ginagamit sina mama at papa upang sumunod ako sa utos nila.
1. Patpat na taga-sundo.
Maliit man o malaki o kahit na anong disenyo ng patpat basta’t dumampi sa puwet, iiyak at mapapasunod na lang bigla. Tanda ko nga noong naligo ako sa ilog nang ‘di nagpapaalam, sinundo ako ni mama at pinauwi ngunit nagbingi-bingihan lang ako, kaya kumuha siya ng patpat at malayo pa lamang siya ay umiyak na ako at tumakbo pauwi ng bahay.
2. Banta ng kidnap
Sabi ni papa noong grade one ako, huwag daw ako umuwi ng gabi dahil may nangunguha ng bata. Sa sobrang takot ko, nagdadala ako ng sili at bawang na may tubig at ilalagay ko sa lumang lagayan ng perfume (pang-isprey sa mata sakaling dukutin ako), maaga rin akong umuuwi, kukunin daw kasi ang lamang-loob at ibebenta nang mahal sa ibang bansa.
3. Makuha ka sa tingin
Tanda ko noong inaway ko ang kapatid ko’t pinalo ng tsinelas dahil pinugot niya ang ulo ng aking manika, pinanlakihan ako ng mata ni mama at agad akong pumasok sa loob, hindi ko alam ano’ng mahika ng mata niya at natatakot ako.
4. Mamang pulis
Napakatamad ko kung matulog ng tanghali dahil gustong-gusto ko ang maglaro kasama ng mga kaibigan ngunit minsan, hinahadlangan ako ng magulang para raw lumaki ako. “May pulis diyan! Hala ka! Huhulihin ka nila!” ganiyan ang eksaktong katagang sinasabi nila sa akin at dahil ako ay napakapaniwalain, tatakbo ako sa kuwarto, tatabon ng kumot at matutulog.
Tunay na epektibong pananakot ito sa mga bata upang sumunod sa utos. Ikaw? Ano’ng pinantakot nila sa ‘yo? Pero teka, bakit nagseselpon ka ngayon? ‘Yong mga plato. ‘di mo pa nahuhugasan, hala! Kukunin ka ng aswang.
Commentaires