May Sarili kang Ganda
Inilalakbay mong muli ang iyong mga mata‚
sa mga babaeng sa paningin mo’y may kakaibang ganda‚
muli kang malulungkot at magkukumpara‚
bababa ang tingin sa sarili at manghihina ka.
Hahangaan mo ang balingkinitan nilang katawan‚
ang pigura na payat at galaw na mahinhin‚
gano’n din ang paglakad na ’di mapantayan‚
at walang gana kang titingin sa salamin.
Kaiinggitan mo ang labi na makapal at mapula‚
ang kolorete sa mukha‚ mga mahabang pilik-mata‚
ang matangos na ilong at ang balat na makinis‚
at sa sarili mong katawan‚ bigla-biglang maiinis.
Titignan mo ang buhok nilang sinusuklay ng kamay‚
kung gaano ito kalusog at sa kanila’y bumabagay‚
hihiling ka na sana ay ganoon ka rin‚
at kahit sa pagtulog mo’y iyong dadalhin.
Ngunit kung bubuksan mo lang sana ang iyong mga mata‚
ang hindi mo alam‚ may sarili ka ring ganda‚
kahit wala kang ayos at natural lamang ang imahe‚
mas lalo kang gumaganda bilang isang babae.
Ang wangis mo’y imbitasyon na nagpapaanyaya‚
na titigan ang kabuuuan at perpekto mong hulma‚
ni hindi ko nga masisid ang tamang salita‚
upang ilarawan ang lalim ng ’yong ganda.
ความคิดเห็น