May Handa pang Manatili
Bibisitahin ko ang dilim ng iyong anino‚
ang malungkot mong gabi sa gitna ng liwanag‚
kukumpunihin ko ang napundi mong ilaw‚
ang makulimlim na kulay sa iyong paglalayag.
Mamahalin ko ang itinatago mong maligno —
ang nakabibigla‚ ang nakakikilabot‚ ang nakapaninindig balahibo‚
ang kakaibang nilalang na ’di mo pa ipinakikita‚
iibigin ko kung ang loob mo ay roon ko makukuha.
Maglalakbay ako sa multo ng iyong nakaraan‚
pag-aaralan ko kung paano ka nito tinakot —
na magtiwala at pagkatiwalaan‚ na umibig at ang ibigin‚
para magamay ko ang mga bagay na dapat at ’di ko dapat gawin.
Paamuhin ko ang halimaw na naninirahan sa ’yong mga labi‚
ang langgam na nagnakaw ng tamis sa iyong mga ngiti‚
magtatanim ako ng bulaklak sa hardin ng iyong tiyan‚
upang dapuan ito ng paru-paro’t sumaya ka nang tuluyan.
Haharanahin ko ang bintana ng malungkot mong damdamin‚
liligawan ko ang mga dyablo sa’yong pagkatao hanggang ika’y maangkin‚
mananatili ako‚ kalmado man o may bagyo sa iyong katauhan‚
upang maramdaman mong ’di lahat ay umaalis kapag ikaw ay nasa laylayan‚
nandito pa ako‚ handa kang alalayan.
Comentários