top of page

Mas Higit Kitang Mamahalin

Writer's picture: Nerelyn FabroNerelyn Fabro

Mas Higit Kitang Mamahalin (Promise Vow Poem) - Nerelyn Fabro (Young Pilipinas Poetry)
Mas Higit Kitang Mamahalin (Promise Vow Poem) - Nerelyn Fabro (Young Pilipinas Poetry)

Ngayo'y kaharap ko na ang taong noo'y namumuhay lamang sa pangarap,

nasa harap ko na ang taong noon ay napakailap.

Bukas nawa ang tainga mo sa aking bibitawan,

kung magkakaroon ako ng isang pangako, 'yon ay ang mamahalin ka magpakailanman.


Sa mga ngiting namumutawi sa ating dalawa,

sa nakakikiliting kilig na lumilitaw hanggang sumapit ang umaga,

sa mga tawanan na walang makikitang bakas ng luha sa mata,

sa mga tagpong paulit-ulit lamang ang pagkinang ng nararamdamang saya —

minamahal kita.


Ngunit mas lalo kitang mamahalin

kapag ang mundo natin ay umiikot na sa problema,

kapag purong sigawan na at sakit ang nadarama.

Mas lalo kitang mamahalin kapag mistulang bagyo na ang dating payapa,

pilit kong aayusin 'pagkat ayaw kitang mawala.


Mas higit kong ipadarama ang pagmamahal sa t'wing nanlalamig ka na,

liligawan kang muli't paiinitin ang pagsinta.

At kung hindi pa rin epektibo, ibabalik ko ang umpisa,

ipapaalala ang tagpo kung saan tayo nagkakilala.


Mas labis kitang mamahalin kapag galit na ang 'yong nararamdaman,

magpapakaanghel ako't bigla kitang hahagkan,

hahalik sa 'yong noo at bakasakaling aking maibsan,

hahayaan kitang paluin ang aking katawan ngunit pangakong 'di ka sasaktan.


Mas sobra pa kitang mamahalin kung makita ko ang iyong kahinaan,

palalakasin ko ang 'yong loob at tutulungan kang lumaban,

sa bawat delubyong haharapin, palagi kitang sasamahan,

gagawin ko ang lahat huwag mo lamang akong iwan.

Mahal kita sa puntong masaya tayong dalawa

ngunit napagtanto kong mas dapat kitang mahalin

kapag napupuno tayo ng 'di pagkakaintindihan, ng pagdududa,

kapag ang galit ay nag-iinit sa buo nating sistema.

Mas lalo kitang mamahalin, magpapakumbaba kapag ang boses

ay mistulang bundok sa taas,

mas higit kong ipararamdam sa'yo na mahal kita

sa oras ng kalungkutan — sa mga oras na hindi natin mahagilap ang saya.

Mas higit kitang mamahalin sa oras na hindi na natin alam ang kahulugan ng pagsinta,

dahil hindi naman kita minahal sa t'wing binibigyan mo lang ako ng saya

at iiwan kapag sobrang gulo na,

minahal kita at mamahalin pa lalo kita sa hirap at ginhawang haharapin nating dalawa.

1 comment

Related Posts

See All

1 Comment


Unknown member
Jul 06, 2021

💛💛💛

Like

Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
Young Filipino's best stories written through poetry, flash fictions, and listicles in Young Pilipinas
YoungPilipinas.com
bottom of page