Manaig ang Pagmamahal
Sa bayolenteng ingay at tunog ng giyera‚
sa pagtalsik ng dugo at pagputok ng mga bala‚
laganap ang paghihiganti‚ krimen at karahasan‚
at ang pangyayaring ganito tila walang katapusan.
Umaalingawngaw ang pag-iyak ng matanda at paslit‚
at kung ’di ka lalaban‚ pagdurusa ang kapalit.
Ang espada’t baril ang pangunahing sandata‚
at kapag mahina ang loob‚ tiyak na matutumba.
Ngunit kung ititigil ang gulo at magiging payapa‚
kung ibababa ang sandata at huminto sa pagdigma‚
magkakaisa ang mundo at problema’y mababawasan‚
at ang giyerang mabagsik‚ maglalaho nang tuluyan.
Kaya dapat isaisip na ingatan ang isa’t isa‚
’pagkat ito’y pundasyon sa matibay na pagsasama.
Huwag uunahan ng galit ang problemang may solusyon‚
at ang pagiging kalmado ang mas bigyan ng tuon.
Puksain ang karahasan na sumisira sa samahan‚
ipalaganap ang kapayapaan‚ talikuran ang kasamaan.
Ang gulo sa daigdig ay isa lamang sagabal‚
kaya maging responsable‚ ’wag manakit at dapat manaig ang pagmamahal.
コメント