top of page

Malaya na Tayo

Writer's picture: Nerelyn FabroNerelyn Fabro

Young Pilipinas Flash Fiction Malaya na Tayo Nerelyn Fabro

Ilang taon na ba siyang ganito? Siguro nasa dalawang dekada na rin. At sa loob ng mga taon na ’yun‚ iginugol ko sa kaniya ang oras at atensyon ko. Hindi na nga ako nakapag-asawa dahil sa pag-aalaga sa kaniya.


Tuwing umaga‚ binubuksan ko ang kulungan upang gawin ang aking responsibilidad. Pinapakain ko si mama kahit minsan ay tinatapon niya lang at dinudura sa akin.


Pinapaliguan ko siya kahit sobrang maligalig at nasusugatan ako ng kuko niya. Pagsapit naman ng gabi‚ inaayos ko ang kaniyang higaan na banig upang makatulog siya nang maayos kahit umiiyak lamang siya at lumulukso nang lumulukso.


Minsan‚ minumura ako ni mama pero iniintindi ko na lamang at alam kong hindi na siya babalik sa katinuan. Ang kulungan na ang naging permanenteng tahanan niya dahil kung palalayain ko siya ay pumupunta kung saan-saang lugar.


Palaging tumatawa mag-isa si mama at may kung anong tinuturo sa kulungan. Nagsasalita rin mag-isa. Ang ibang tao nga ay takot nang pumunta sa aming bahay dahil baliw raw si mama. Madalas din siyang magwala‚ bagay na mahirap kontrolin at minsan ay naiiyak na lang ako.


Awang-awa na ako kay mama pero naawa rin ako sa sarili ko dahil sa pag-iintindi sa kaniya. 


At isang gabi‚ mahirap man ang desisyon na gagawin ko ngunit alam ko‚ ito lang ang makapagpapalaya sa aming dalawa. 


Habang dahan-dahan akong naglalakad palayo sa kaniyang kulungan‚ hindi ko mapigil ang pagtulo ng aking luha. At mas lalong lumakas ang aking pag-iyak nang marinig kong kinalabit na ni mama ang baril na iniwan ko sa kulungan niya.


Ma‚ malaya na tayo.

...

Malaya na Tayo by Nerelyn Fabro

תגובות


Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page