top of page
Writer's pictureColin Cris Celestial

Mainit at nakakalunod na pag-ibig - A flash fiction about El Niño and La Niña


Mainit at nakakalunod na pag-ibig - A flash fiction about El Niño and La Niña

Nandito na naman ako sa labas, tinatanggap ang mainit na pagmamahal ni Niño. Hindi ko man aminin, pero nasisiyahan ako sa pinapadama nito sa akin.


Ngunit ilang oras ang lumipas, mapapaso na ang aking katawan sa kaniyang araw. Ito yung klase ng init na nakakatuyo ng lalamunan. Nakakauhaw at nakakawala ng lakas. 


Buti na lamang, lumapit sa akin ang batang si Carlota para bigyan ng tubig. Kahit papaano ay nakakaya kong labanan ang init ni Niño.


Kinabukasan ay kumulimlim ang paligid. Nagagalák ako sa lamig na nararanasan. Ibang-iba ito sa panahon kahapon. Ito na ata si Niña.


Maya-maya pa ay umambon at medyo hindi ko ramdam ang bawat patak nito. Subalit kapansin-pansin ang lamig nito na talagang nakakapawi ng uhaw.


Pero sa hindi inaasahan, bumubos bigla ang malakas na ulan. Ang kaninang patak ay naging agresibo na tipong nakakasakit na. 


Habang lumilipas ang minuto, hindi ko na kinakaya pa ang ulan na wari'y hindi na titila. Ramdam ko na ang pagtaas ng tubig baha dito sa amin. 


Hindi ko na kayang tumanggap pa ng tubig. Nakakalunod ang ganitong sistema ng panahon.

Nasaan na ba si Niño?


Kaunti nalang, hindi ko na masisilayan pa ang paligid. Lumalabo na ang lahat dahil kinakapos na ako sa hininga. Nawawalan na ako ng hangin.


Bago pa ako tuluyang mawalan ng kulay, huli kong natanaw ang bata na si Carlota na kasama ang kaniyang ina. 


Lumapit sila sa aking pwesto at ang mga huling salita na aking narinig sa mga oras na iyon ay...


"Nay, wala na ang mga tanim nating halaman. Paano na tayo nito?"


Related Posts

See All

Comments


Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page