top of page
Writer's pictureNerelyn Fabro

Mahal ko Hanggang sa Huli


Young Pilipinas - A flash fiction about a person who loves to give effort for his love
A flash fiction about a person who loves to give effort for his love

Ilang taon na kaming nagsasama ni Sarah ngunit hindi pa rin nagbabago ang pagmamahal ko sa kaniya‚ mas lalo pa ngang tumindi e. Minsan‚ nag-aaway kami pero naaayos din namin ito agad. Hindi na namin pinatatagal dahil takot na takot kaming mawala ang isa’t isa.

Ang lahat ng ginagawa ko ay nagugustuhan niya malaki man ito o maliit na ‘effort‚’ — ang nakakalokong pagsayaw ko sa harapan niya‚ ang pagpapatawa‚ ang pagtulong sa kaniya sa simpleng gawain at ang mas lalong nakapagpapangiti kay Sarah ay kapag sinusulatan ko siya ng tula at binibigyan ng bulaklak.

Sauladong-saulado ko na rin kasi ang aking mahal. Hindi siya ang materyal na babae. Kapag nagtatampo siya sa akin dahil natulugan ko siya sa gabi‚ sinusulatan ko siya ng tula kinabukasan at ngingiti na lamang siya bigla. Kapag wala siya sa ‘mood’ makipag-usap sa akin‚ agad-agad akong nagdidisenyo sa papel‚ gagawa ng sulat‚ ibibigay sa kaniya na may kasamang rosas at kikiligin na lang siya nang patago‚ hmm‚ minsan nanghahampas.

Marami na akong naisulat sa kaniya at bulaklak na naibigay at ang nakatutuwa ay itinatabi niya ang lahat. Mga sulat na naglalarawan kung gaano ko siya kamahal at mga pangako na siya lamang hanggang sa huli.

“Mahal‚ tanda mo pa ba ang unang tula na ibinigay ko sa iyo?” ang pangiti kong bigkas habang tinitignan ang kabuuan ng kaniyang maamong mukha. Ngunit kasunod nito ay ang pagtulo ng aking mga luha nang ibigay ko sa kaniya ang huling tula at huling bulaklak — ang elihiya at puting rosas.

Comments


Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page