top of page
Writer's pictureNerelyn Fabro

Magiging Akin Ka



Bato-bato sa langit, huwag ka naman sanang magalit,

kung usapang pangarap ikaw ang nais makamit.

Maglalakas-loob kahit pormahan ay pangit,

kasi ikaw na ang naiisip kahit pa nakapikit.


Isa ka bang dayuhan? Nasa lupa ka naman nakatira,

ngunit bakit ngayon ay nasa puso ko na?

Marami man ang sayo'y nanliligaw, sisiguraduhing ako ang kakaiba,

isa lamang akong makata na napaibig sa tulad mong dalaga.


Sa gitna ng modernong panahon, mas pipiliin ko ang paraang makaluma,

sana ay maibigan mo pa ang mga sulat na tula.

Bibihagin kita tulad ng kung paano binihag ni lolo si lola,

ibabalik sa dating Pilipinas na ang tula ay ipinanliligaw pa.


Ilalarawan ko kung gaano ka pa kaganda sa mga rosas,

kung paanong ang mga ngiti mo ay binibigyan ako ng lakas,

at kung paano tumitibok ang puso na mas mabilis pa sa oras,

ilalahad sa tula kung gaano kasabik na makasama ka sa bukas.


Ilang beses mo man akong itaboy at ituring na kaibigan,

iibig ka rin sa akin dahil ika'y paghihirapan.

Susuyuin sa pamamagitan ng tulang pinag-isipan,

maniwala ka lamang na ang pag-ibig ko'y handang patunayan.


Hindi ko lalaliman ang Filipino na wikang gagamitin,

'pagkat sisiguraduhing kahit na sa mababaw ay mahuhulog ka pa rin.

Binibini, nasasabik akong ika'y aking maangkin,

ipinapangakong kapag nakuha'y lahat ay gagawin.


Sisikat ang aking tula tulad ng araw sa kalangitan,

tatamaan ng sinag ang puso mong dati'y walang nararamdaman.

'Pagkat ako'y isang manunulat na isinulat na ang kwento ng ating pag-iibigan,

at mababasa ko na ang apelyedo ko bago ang 'yong pangalan.

1 comment

Related Posts

See All

댓글 1개


익명 회원
2021년 10월 20일

💛💛💛

좋아요

Sponsors

Splenda Square Ads.jpg
Philips Square Ads.jpg
Philadelphia  Square Ads.jpg
Meat Republik 300 x 300.png
450 x 120 Leaderboard.png
bottom of page