Magaling akong Lumangoy
Bata pa lamang ako ay tinuturuan na ako ng aking tatay na lumangoy. Natatandaan ko nga noong apat na taong gulang pa lang ako‚ hinagis ako ni tatay sa malalim na parte ng dagat. Natakot ako at hindi ko napigilang umiyak nang malakas ngunit nang dahil doon ay natutunan kong ikampay ang aking mga paa at ikumpas ang kamay sa ilalim ng tubig.
Noong pitong taon naman ako‚ manghang-mangha sa akin ang mga dalaga kapag nagpapakitang gilas akong lumangoy sa ilog. Sumisisid ako sa malalim. Nakikipagpatintero ako sa agos ng tubig. Binabalewala ko lamang ang mga naglalakihang bato at kahit pa lagpas tao ang tubig‚ kayang-kaya ko languyin. Hindi ako takot sa tilamsik at hindi ako nalulunod. Bumibilib din sa akin ang mga kalaro ko dahil saan ko raw natutunan ang ganoong kakayahan.
Ngunit nang pumatak ang edad ko sa 18‚ bihira na ako lumangoy dahil naging babad ako sa responsibilidad. Inako ko ang bigat ng obligasyon at tumindig bilang pader ng pamilya. Maraming mga gawain ang nakaposas sa aking paa kaya mabigat ang aking dinadala at hindi ako makaahon.
Bata pa lamang ako ay tinuruan ako ni tatay lumangoy sa tubig ngunit ’di niya ako tinuruan lumangoy sa kalungkutan at problema. Kaya heto ako ngayon‚ lunod na lunod na.
...
Magaling akong lumangoy by Nerelyn Fabro
Comments