Lumipas man Ang Panahon
Tula ang siyang naging tagapakinig sa mga sumbong ng pusong hindi dinidinig,
sandalan ng mga kaluluwang pagod sa pakikipagpatintero sa buhay at laro ng pag-ibig,
at tahanan ng kaisipang ligaw na hinahanap ang sarili't naliligalig,
siyang susi at nagpapalaya sa pagkakakulong sa mga baka, kaguluhan at kalungkutan ng daigdig.
Isang pagpupugay sa tagapagligtas ng buong manunulat,
hindi sa likod ng kapa o lakas, subalit sa tinta at panulat,
siyang nagbigay liwanag sa mga matang pikit subalit dilat,
katibayang hindi pa namamatay ang malikhaing pagsusulat na may adhikain magpamulat.
Naging makabago man ang estilo at paraan ay hindi maitatanggi ang katotohanan,
na sa bawat kumpas ng kamay ay sumasabay sa ritmo ang damdamin sa itinatala ng isipan,
bagay na siyang pangunahing sangkap sa pagbuo ng piyesang pangpanulaan,
epektibo ang tulang may puso at nakapaglalakbay sa kalaliman ng kamalayan.
Tunay na malayo na ang narating ng mundo,
ang pag-unlad sa teknolohiya at pagiging sibilisado,
subalit nakatutuwang lumipas man ang panahon pagmamahal sa tula ay hindi naglalaho,
ipinagdiriwang taon-taon sa buong mundo't nananahan sa puso.
Comentários