Liwanag sa sakit

May mga sugat na parang hangin‚ ‘di ramdam ang pagdating‚
Humahalik sa dibdib at sa sakit ay gigising.
Ito’y isang anino na walang paanyaya‚
Humahapdi sa diwa at kumakain ng sigla.
Sino ba ang nagnanais ng gabing malamlam?
Ng pagluha ng langit at ang puso’y magdamdam?
Sino ba ang humihiling ng kirot at pagdurusa?
Na sa pagtulog ay dadamhin at isisigaw sa tadhana.
May daang tinik-tinik na ayaw nating tahakin,
Parang agos ng ilog na kay hirap salungatin.
Ngunit ito man ay isang kulog sa ating pandinig‚
Kaya rin nitong bumuo ng magandang himig.
Isa itong bahaghari sa gitna ng mga bangungot
Dahil sa mga gabay at aral na maaari nating mapulot.
Kaya imbes na umiyak ay atin na lamang isipin
Kung ano ang matututunan sa likod ng pagiging alipin.
Kaya ngumiti na lamang kung muling salubungin‚
Ang plano ng Maykapal ay mahigpit na yakapin.
‘Pagkat sa kabila ng dilim nitong dala, may makakamtan na liwanag
At sa wakas, tayo’y magiging higit na matatag.
Comments