Ligtas sa Pagtutulungan
Sa dilim ng kalamidad‚ ang puso’y lumiliwanag‚
nagbibigay ng yakap‚ hindi nagpapatinag‚
anumang unos ang dumating‚ nagkakapit-kamay‚
upang manatiling ligtas ang iniingatang buhay.
Magalit man ang ulan at magbigay ng baha‚
matatag ang Pilipino’t may solusyon na handa‚
sama-sama sa paglayag upang walang maiiwan‚
sapagkat wala sa edad ang kanilang pagtutulungan.
Walang sumusuko sa hamon na nakasasalubong‚
gumuho man ang lupa‚ siguradong makasusulong‚
matumba man ang mga puno‚ nananatiling nakatindig‚
’pagkat taglay nila ang lakas na walang makadaraig.
Bayanihan ang nangingibabaw sa kanilang mga puso‚
nagbubuklod-buklod at walang lumalayo‚
kaya hindi natatakot kahit sa anong sakuna‚
’pagkat nasa katauhan nila ang matatapang na diwa.
Kaya hindi nakapagtatakang kaya nilang bumangon‚
magpapatuloy sa buhay kahit magulo ang panahon‚
nagkakapit-bisig sa oras ng kahirapan‚
kaya sa oras ng ginhawa‚ matibay pa rin ang samahan.
...
Ligtas sa Pagtutulungan by Nerelyn Fabro
Commentaires