Lamig
"Ma, ang lamig na." nanginginig na sambit ng anak ko at agad ko siyang binigyan ng mahigpit na yakap. Ramdam ko ang lagnat niya.
Gabi. Nakatatakot. Nagtumbahan ang mga puno sa lansangan ngunit mas kawawa ang nabagsakan sa mismong bahay. Tumutunog ang mga yero sa ihip ng hangin at ang iba ay tuluyang nilipad.
Bumabagyo. Naririnig ko ang iyakan ng mga tao. At kasama ako sa mga taong nananalangin na sana ay mahinto na ang delubyong ito.
Pumunta kami ng anak ko sa mataas na bubong upang hindi maabutan ng lagpas taong baha. Madilim. Basang-basa. Hindi ko mapigilang umiyak.
Malayo pa naman ang pasko ngunit ramdam na ramdam ko na ang lamig at pagkatakam sa maraming handa sa Noche Buena.
Malayo pa naman ang pasko ngunit nilalamig na rin ang katawan ng anak ko --- nalagutan na ng hininga.
Malayo pa naman ang pasko ngunit natatakam na ako sa Noche Buena dahil sa sobrang gutom ngunit ayoko pang mamatay...
"Kahit papaano natanggal ang pagkalam ng sikmura ko." Naluluhang wika ko habang nginunguya ang ilang parte ng katawan ng anak kong namayapa na.
...
Young Pilipinas Flash Fiction
💛💛💛